Tuma'LOVE' ang gamot ko: Pagiging positibo sa kabila ng mga tigyawat ko.


 Tuma'LOVE' ang gamot ko: Ano ang sanhi ng pagiging positibo sa kabila ng mga tigyawat ko?

BY: JOHNDEL LAZARTE

 

Sa loob ng halos apat na taon, lagi kong kinukwestiyon ang aking sarili, “Bakit ganyan yung mukha mo?bakit ang dami mong tigyawat, tapos may butas-butas pa?” 

ANG HIRAP! SA TOTOO LANG. Ang hirap dahil pakiramdam mo ginawa mo na ang lahat para mawala sila-silang mga bilog bilog na kung minsan ay parang nagiging bunganga ng bulkan sa mukha ko. Hindi kasi madaling gumising araw-araw na kakapain ko yung mukha ko’t titignan kung nababawasan ba ‘yung mga tigyawat ko. Sa katunayan, sa bawat umagang darating, isa lang ang napagtatanto ko; sa halip na mabawasan ay nadadagdagan pa ang mga tigyawat ko. 

Palagi kong ipinaaalala sa aking sarili na maging positibo at huwag nang kaisipin ang bagay na nasa aking mukha.

Minsan, mas pinipili ko na lang na lumagi sa loob ng bahay kaysa lumabas at kainggitan ang ibang taong taas-noo kung maglakad dahil hindi nila nararanasan ang pinagdadaanan ko. At kahit ‘di masabi ng mga taong nakakasalamuha ko ang mga tanong nila para sa akin, tingin pa lang nila alam ko nang kinukwestiyon na nila ako, “Bakit ang dami ng tigyawat mo?” At ang mas masakit ‘yung masabihan kang tigyawat na tinubuan ng mukha.

Ngunit muli, paaalalahanan ko ang sarili ko na okay lang iyan, konti na lang naman ang tigyawat ko.

 Sa totoo lang, sobrang nakakababa ng pagka-tao at nakakawala ng tiwala sa sarili ang magkaroon ng ganitong kaso. At hindi lang iyon, nagdudulot ito ng depresyon dahil iisipin mo nang iisipin kung panong ang pangit kong mukha ay babalik sa normal. Nakalulungkot lang. Ngunit ang kalungkutang ito ay pinapalitan ko ng humahaglapak na tawa sa harap ng iba. At oo, ako yung tipo ng tao na nagtatago sa mga filters, para kasi sa akin, iyon na lamang ang tanging paraan upang umayos iyong mukha ko, kahit sa litrato man lang.

At muli, sasabihin ko sa sarili ko na masuwerte pa rin ako. Nasa isip ko kasi,  may mga taong mas malala ang nararanasan kumpara sa akin.

Sa totoo lang, nakahihiya talaga iyong magkaroon ka ng ganitong kaso. Nakakahiya hanggang sa punto na kahit sarili mo, kaiinisan mo na dahil ang pakiramdam mo ang pangit pangit mo.

Muli,aalalahanin ko na bata pa naman ako, parte ito ng paglaki.

Ang totoo, naiisip ko kasi, ganito lang ang kondisyon ko, pero pumapasok sa isip ko yaong mga taong mas malala ang nararanasan kaysa sa akin. Mayroon diyan, hindi nakakakain sa loob ng tatlong beses sa isang araw. At ang mas malala pa, ay iyong wala silang tirahan.

Sa huli, ang pagkakaroon ng kondisyong ito ay hindi na kailanman magiging hadlang pa upang maging masaya ako.

Alam kong kailanma’y hindi ako magiging makinis tulad ng iba. Alam ko ring unti-unti ay mas matatanggap ko ang hamong ito. Subalit ang mahalaga, mayroong mga taong tanggap ako sa kabila ng pangit kong pagmumukha. Muli, hindi ito kwento ng tagumpay. Dahil higit pa sa pagiging matagumpay, nakamit ko na ang pinaka-magandang gamot na kailangan ko-ang pagmamahal na aking natatanggap mula sa mga taong mahal ako.

 


 

Comments

Popular posts from this blog

Here is to Those Who Think They Are Just Mediocre

Forgotten Vows of the Carabaos

WHO IS THE REAL WINNER IN LIFE?