Titila rin ang Ulan
Titila rin ang Ulan
By: Cathylene Bulado
Makulimlim ang langit at sa lagay ng ulap ay siguradong kahit anong oras ay ibabagsak na nito ang maliliit na butil na magiging sanhi ng pakabasa ng kaisa-isahan mong unipormeng ibinigay pa ng tiyahin mo. Ganun na lamang ang iyong tuwa ng makita mong ilang metro nalamang ang layo mo mula sa tinatawag mong tahanan. Binilisan mo ang paglalakad nang matanaw mo ang iyong ina na nagliligpit ng mga damit sa sampayan habang ang mga kapatid mo naman ay isa-isa nang inihahanda ang mga baldeng pagsisidlan ng mga tulo mula sa butas ng bubong.
Ang bawat pagbagsak ng ulan ay gumagawa ng ingay sa yero habang ang malakas na ihip ng hangin ay kumakalampag sa dingding ng banyo. Inihahanda na ng bunso ninyong kapatid na babae ang lamesa habang ang nakakatanda mong kapatid naman ay patapos na sakanyang nilulutong pagkain gamit ang kaldero na nangingitim na dahil sa kahoy na panggatong.
Ang ginaling na bigas at mais ang nagsilbing kanin habang ang ulam naman ay adobong Kangkong na kinuha pa sa bakuran ng bahay. Isa-isang pumwesto ang pamilya at nagsi-upuan na sa lamesa. Magiliw kayong kumain habang ang inyong ina naman ay kuntento na sa kung ano ang matira.
Nasa kalagitnaan kayo ng pagkain nang marinig ninyo ang katok mula sa pinto. Kaagad na tumayo ang kapatid mong lalake upang pagbuksan ang amang kakauwi pa lamang. Ang botas nitong balot na balot ng putik at ang basang basa nitong buhok ay resulta nang pagsulong nito sa ulan. Inaya ninyo siyang kumain ngunit ngiti lamang ang tangi niyang tugon bago dumeretso sa banyo.
Ikaw ang naatasan na maghuhugas ng pinagkainan habang ang apat na nakababata mong kapatid ay nakapalibot sa mitsa at ang buong atensyon ay nasa kuwaderno. Nang matapos mo na ang ginagawa ay tinawag kana ng ina para matulog. Ang mga banig ay nakalapag na sa papag at nagsimula ng magsiksikan ang lahat. Naging maingay ang gabi dahil sa mga samut-saring kuwento bago dalawin kayong lahat ng antok.
Naalimpungatan ka dahil sa mumunting ingay mula sa sala. Bahagya kang sumilip at nakita mo ang masakit na larawan ng iyong ina na pigil-pigil ang iyak habang ang ama ay nakayuko ang ulo at bigong inuusal ang salitang, “makakabangon din tayo”.
Sa patuloy na pagbuhos ng ulan ay siyang pagbuhos rin ng luha sa iyong mga mata. Sumiklab sa batang puso ang kagustuhang maka-ahon sa hirap. Sinulyapan mong muli ang iyong pamilyang mahimbing na natutulog habang lihim na ipinapangako sa kanila na hindi na mulin nila dadanasin ang paghihirap na ito. Balang araw ay titila rin ang ulan, at sa pag tila nito ay ngingiti ang langit at sisikat ang pag-asa.
Comments
Post a Comment